EDSA PEACE MURAL: Reflection by Richard Yulo

  10611_10200988970863046_1840448220_nNakibahagi kami sa proyektong ito dahil naniniwala kami sa pagtataguyod ng kapayapaan. Noong una ay pagkuha ng mga litrato lamang ang pakay ko, ngunit ‘di nagtagal ay pinalitan ko rin ang aking camera ng isang paintbrush at ng pintura. Akala ko nung simula ay madali lang siya. Siguro ay alas-onse na ng umaga nung nagsimula akong mag-pinta. Napaka-taas ng araw. Walang ulap, walang masilungan. Doon ko natuklasan na sadyang napakahirap ng gawaing ito. Susuko na sana ako sa init, sa ngalay, sa ingay, at sa usok ng mga sasakyan. Ngunit hindi ko maibaba ang brush dahil tuwing naiisip kong sumuko ay dumarating ang halili ng mga taong nagtitiwala, nagmamalasakit, at nakikibahagi sa aming adhikain.

969193_10200988980463286_92117301_nNariyan ang mga taong nag-abot ng pananghaliang kanin at ulam. Nariyan ng aming mga kaibigang nag-abot ng inuming malamig. Nariyan ang isang babaeng dali-daling nagbaba ng mabigat na cooler na punong-puno ng yelo, tubig, at iced tea na nagngangalang ‘Bayani’. At ang kanyang bukang-bibig? “Bayani iced tea, para sa mga bayani”. Napakasarap marinig, lalo na’t titirik na ang aming mga mata sa init ng lumalagablab na araw. Nariyan din ang mga volunteer na biglang humalili sa aming di matapos-tapos na mural. Lahat sila, lahat sila’y naging inspirasyon ko sa araw na iyon.

Tinapos ko ang bahagi ko ng mural, hangga’t sa aking makakaya. Bandang alas kwatro ng hapon, sumuko na ang katawan ko. Hinila ko ang aking sarili papunta sa silong at umidlip dahil mahapdi na ang balat ko, init na init na ang katawan ko, at ang bawat pulso ng dugo ko ay ramdam na ramdam ko na sa aking ulo. Pag-uwi ko ay tuluyang sumakit ang ulo’t katawan ko. Nilagnat ako’t di na nakabangon. Tuluyan na nga akong tinamaan ng heat stroke.

Pero yung nagdaan saming nagbebenta ng fruit salad at mineral water sa ilalim ng parehong araw, at yung mga artists na mahigit isang buwan nang nag-pipinta sa nakapapasong init, na isang araw ko lamang tiniis, ay naroon pa rin, nagtataguyod ng marangal na pamumuhay, at marangal na uri ng buhay. Sila ang mga bayaning di natin dapat kalimutan parangalan, mga bayaning sana’y ma-i-pinta rin sa puting bakod ng pag-asa, balang araw.

Get to know Richard Yulo through the lens.

Leave a comment